Menorca, sinampahan na ng reklamo ng mga pulis-MPD

By Jay Dones January 21, 2016 - 04:36 AM

 

Kuha ni Lyn Rillon/Inquirer

Tuluyan nang sinampahan ng mga kasong resisting arrest, direct assault at obstruction of justice ng mga pulis ng Manila Police District ang dating ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca II.

Ito’y makaraan ang kaguluhan kaninang umaga nang tangkain ng mga pulis-Maynila na arestuhin si Menorca sa kasong libel habang ito ay patungo sa Court of Appeals.

Ayon kay Manila Station 5 commander Supt. Albert Barot, isinampa ang kaso laban kay Menorca ng mga tauhan ng Pandacan police habang nagsisilbi ng warrant of arrest laban sa dating ministro ng Iglesia.

Matatandaang Miyerkules ng umaga, inaresto si Menorca ng mga nakasibilyang pulis dahil sa kasong libel na isinampa sa Mindanao.

Alegasyon ng mga pulis, nasaktan sila nang pumalag si Menorca at ang mga kasamahan nito nang tangkain nilang isilbi ang arrest warrant laban sa natiwalag na opisyal ng INC.

Tumanggi rin anila si Menorca na kusang loob na sumama sa mga otoridad sa kabila ng arrest warrant laban dito.

Giit naman ni Menorca, isang uri ng pagtatangka ng INC na pigilan siyang humarap sa pagdinig sa Court of Appeals ang pag-aresto sa kanya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.