Ilang “Marines”, kasapi ng security ni Lottie Manalo-Hemedez – INC

By Kathleen Betina Aenlle January 21, 2016 - 04:34 AM

 

Frances Mangosing/Inq/net

May mga ulat na natanggap ang Iglesia ni Cristo (INC) tungkol sa hinihinalang pagiging sangkot ng ilang miyembro ng militar sa agawan ng ari-arian sa pagitan ni INC Executive Minister Eduardo Manalo at ng kaniyang kapatid at itiniwalag na miyembro ng INC na si Lolita Manalo-Hemedez.

Bagaman inamin ng tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala na hindi pa niya personal na nababasa ang mga umano’y nag-leak na dokumento, kinumpirma naman niya na nakatanggap nga ng mga ganitong ulat ang INC.

Base sa mga impormasyong natanggap nila, may mga armadong kalalakihan na may takip sa mukha ang nakitang pumapasok sa INC compound sa Tandang Sora, Quezon City kung saan din nakatira sina Hemedez at kaniyang pamilya.

Ayon kay Zabala, ang mga armadong kalalakihang ito ang dahilan kung bakit nila pinapaalis sa compound sina Hemedez at iba pang mga itiniwalag na miyembro ng INC.

Nakasaad sa leaked documents ang schedule, mga plano at posibleng mga pangyayari noong January 15 kung kailan humarap sa media si Hemedez para magbigay ng kaniyang pahayag tungkol sa alitan na ito.

Nabanggit pa sa parehong dokumento ang salitang “Marines” na tumutukoy sa isang pangalan ng hinihinalang miyembro ng Philippine Marines na naka-listang kasamang security team leader sa nasabing event.

Ani Zabala, kung mapatunayang totoo ang hinihinala nilang pagtatalaga pa ng marines sa planong ito, lumalabas lang na matinding pinagplanuhan ang hakbang na itong naglalayong siraan ang kanilang simbahan.

Nakakalungkot aniya dahil ito ay isa nang isyu ng ligalidad na dapat desisyunan ng korte.

Dagdag pa ni Zabala, pinagbigyan na nga ng INC si Hemedez na manatili pa sa compound kahit pa itiniwalag na sila, pero dahil sa banta ng seguridad na dulot ng presensya ng mga nasabing armadong lalaki, hindi na nila ito maari pang pabayaan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.