Jiro Manio nakauwi na ng bahay, “depressed” daw ayon sa kaaanak

July 01, 2015 - 11:21 AM

jiro1-600x698
Kuha ni Jeannette Andrade/PDI

Nakauwi na sa kanilang tahanan sa Cainta, Rizal ang multi-awarded child actor na si Jiro Manio. Ayon sa airport police sinundo ng kanyang kapatid na lalaki si Manio alas 2:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Nabatid na apat na araw nagpagala-gala sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 si Manio na nakakuha ng atensyon sa mga pasahero na nakakakila sa batang aktor.

Pumasok sa NAIA Terminal 3 si Manio at pansamantalang pinatuloy ng mga gwardya matapos umanong bugbugin ng mga tambay sa labas ng terminal.

Sumikat si Manio sa pelikulang “Magnifico.”

Batay sa mga posts sa social network site na Facebook ng mga kaanak ni Manio, napansin umano nilang “depressed” ang aktor nitong nagdaang mga araw.

“Umalis po siya (Jiro) sa bahay namin noong Sabado ng gabi at hindi na bumalik, hanggang sa nabalitaan nga namin na nasa Airport pala siya. Sa tingin po namin ay dumadaan po siya sa matinding depression dahil kahit po nandito siya sa amin ay hindi po namin siya makausap ng maayos. Lagi po siyang tulala at galit. Gustuhin man po namin siyang ipagamot ay kapos din po kami,” ayon sa post sa Facebook ng isang Jennifer Dyan Manio – Enaje.

Ayon pa kay Enaje, sumama ang loob ng aktor dahil nais nitong magtungo sa lola niya sa Japan. Pinangakuan umano si Manio ng kaniyang lola at tiyahin sa Japan pero hindi naman tinupad.

Si Jiro ay binalak nang dalhin ng kaniyang pamilya sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERM) sa Quezon City para sa psychiatric treatment.

Samantala, umaapela naman si Girlie Sevilla, ng Violet Films na nag-produce sa pelikulang Magnifico sa pubiko na huwag nang laitin, batikusin at i-bash si Manio sa halip ay tulungan ito kahit sa pamamagitan ng panalangin.

“Nanawagan po ako na magtulungan po tayo, tulungan natin si Jiro, tulungan natin ang kanyang pamilya para mailagay natin siya sa ayos. Marami pa po ang maaring mangyari sa kanya. Maganda pa po ang future niya,” pahayag ni Sevilla sa panayam ng Radyo Inquirer./Ruel Perez may ulat mula kay Dona Dominguez-Cargullo at Chona Yu

TAGS: jiro manio, magnifico, Radyo Inquirer, jiro manio, magnifico, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.