MTRCB iimbestigahan ang kontrobersyal na episode ng On The Wings of Love

By Dona Dominguez-Cargullo January 18, 2016 - 04:10 PM

james-reid-police
Screen grabbed (Abs-Cbn)

Nagpatawag ng dayalogo ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa ABS-CBN at Philippine National Police (PNP).

Ito ay upang matalakay ang isang episode ng teleseryeng On The Wings Of Love (OTWOL) nina James Reid at Nadine Lustre noong January 11.

Lumikha ng ingay ang nasabing episode makaraang mag-alay ng sexy dance si James bilang Clark para kay Nadine bilang Leah sa kaniyang bridal shower.

Nakasuot ng uniporme ng pulis si Clark nang isagawa niya ang sexy dance.

Matapos ang nasabing eksena, sa PNP lalo na ang PNP-PCRG (Philippine Community Relations Group) na nagtweet ng pahayag na sana ay i-review muna ang mga ganitong klaseng eksena na gumagamit ng uniporme ng pulis.

“Sana lang po lahat ng inilalabas sa TV ay nirereview ng maayos tulad ng paggamit ng tama sa Uniporme. May batas po tyo dyan,” ayon sa PNP PCRG.

Nakipag-ugnayan din ang PNP sa MTRCB hinggil sa nasabing isyu.

Sa programang MTRCB Uncut sa Radyo Inquirer, sinabi ni MTRCB Chairman Toto Villareal na pinadalhan na nila ng imbitasyon ang PNP at ang ABS-CBN para sa isang dayalogo.

Ani Villareal, isasagawa ang dialogue sa MTRCB office sa Quezon City sa January 25, alas 9:30 ng umaga.

Layon aniya nitong gumawa ng mga hakbang para matukoy kung saan at ano ang naging problema sa nasabing episode at makahanap ng mga solusyon upang maiwasan na maulit ang parehong sitwasyon.

 

“Concrete steps can be taken, aalamin natin saan ba nagkaroon ng problema at doon sa dialogue hahanapan natin iyon ng solusyon,” ayon kay Villareal.

 

Ayon naman kay MTRCB Board Member Jay Revestir, sa mga ganitong pagkakataon na nagpapatawag ng dayalogo ang MTRCB madalas ay mismong sa mga concerned industry na nagmumula ang mga hakbang upang maiwasan ang pagkaulit ng inirereklamong sitwasyon.

 

Matapos umani ng puna ay agad na humingi ng paumanhin ang OTWOL.

 

Sa pahayag, sinabi ng OTWOL na hindi nila intensyon na bastusin ang PNP uniform.

 

Tiniyak din nilang hindi na mauulit ang pangyayari. Samantala, sinabi ni MTRCB Board Member Atty. Gaby Concepcion na sa ganitong pagkakataon lumilitaw na ang trabaho ng ahensya ay hindi lamang limitado sa pagreview at pagclassify ng mga palabas sa sine at telebisyon.

 

Aniya, ang MTRCB ang takbuhan at sumbungan ng publiko kapag may napapansin silang hindi kanais-nais na eksena sa kanilang pinapananood.

TAGS: james Reid, MTRCB, PNP, Villareal, james Reid, MTRCB, PNP, Villareal

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.