Ano ang nangyari kay Jiro Manio?

June 30, 2015 - 09:02 PM

jiro
Kuha ni Jeannette Andrade/Inquirer

Pagala-gala na lamang sa NAIA Terminal 3 ang multi-awarded young actor na si Jiro Manio.

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sa loob ng apat na araw, nakikita ng ilang mga empleyado ng NAIA ang 23 anyos na aktor na paikot-ikot sa loob ng terminal.

Ayon kay Frank Sorca, security guard ng NAIA T3, nakilala niya ang premyadong aktor kaya’t dahil sa awa, kanya itong binigyan ng pagkain at damit na pampalit ngunit tumatanggi itong maligo o maglinis ng kanyang katawan.

Malimit umano itong umiistambay sa lobby ng terminal kung saan makikita ang hilera ng mga food shop at umaasa sa mga tirang pagkain ng mga customer.

Pabagu-bago rin aniya ang sagot ng aktor sa kanilang mga katanungan at may mga pasa sa katawan nang una niya itong makita.

Ayaw na aniyang umuwi ng aktor sa kanilang bahay dahil sa may mga kaaway umano siya doon.

Sa kasalukuyan ay nagtutulong-tulong na lamang ang mga security guard sa loob ng terminal upang makabili at mabigyan ng maayos na pagkain ang premyadong aktor.

Si Jiro Manio, na ang tunay na pangalan ay Jiro Katakura ay nagwagi bilang FAMAS Best Child Actor noong ito’y 12 anyos pa lamang para sa pelikulang ‘Magnifico’ noong 2004.

Nagwagi rin ito ng award sa Gawad Urian at Luna o Film Academy of the Philippines bilang Best Actor para sa kaparehong pelikula sa kaparehong taon.

Taong 2011 nang mapasok sa ‘rehab’ si Manio dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na droga. /Jay Dones

 

TAGS: best actor, jiro manio, best actor, jiro manio

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.