Mga U.S Navy personnel na binihag sa Iran pinalaya na

By Den Macaranas January 13, 2016 - 03:50 PM

Iran US

(Update) Nakabalik na sa kanilang Mother ship na USS Anzio ang sampung U.S Navy personnel na binihag ng Revolutionary Guards ng bansang Iran.

sa report na inilabas ng state-run Press Tv ng Iran, kanilang sinabi na inihatid pa ng ilang barko ng Iran sa international waters ang nasabing mga sundalong Kano habang sakay ng kanilang dalawang Navy boats.

nanatili namang tahimik ang U.S Defense Department sa balita ng pagpapalaya sa mga U.S Navy personnel.

Kanina ay kinumpirma ng Iran na may nagaganap na negosasyon para sa pagpapalaya sa sampung US Navy personnel na sakay ng dalawang Patrol Vessel na hinuli ng mga Revolutionary Guards.

Ayon kay Rear Admiral Ali Fadavi, pinuno ng Iranian Naval Force, nagkaroon na ng inisyal na pag-uusap sina Iranian Foreign Minister Mohammad Javid Zarif at US Secretary of State John Kerry.

Nauna dito ay inakusahan ng Iran ang mga tropa ng US Navy na umano’y sadyang pumasok sa kanilang territorial waters ng walang kaukulang koordinasyon.

Pero sa naunang pahayag ng Pentagon, sinabi ni spokesman Peter Cook na posibleng napadpad lamang sa Iran ang kanilang mga tropa makaraang masiraan ng makina ang isa sa mga Patrol Vessels nila na nasa international waters malapit sa Bahrain at Kuwait.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng Iranian government na kailangang humingi ng paumanhin ang US sa kanilang iligal na pagpasok sa nasabing bansa.

Gayunman, kanilang tiniyak na hindi sasaktan at bibigyan ng maayos na pagtrato ang mga sundalong kano na kanilang hawak sa kasalukuyan.

TAGS: Bahrain, Iran, John Kerry, kuwait, U.S, Bahrain, Iran, John Kerry, kuwait, U.S

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.