Napoles nang-away ng mayores ng selda

June 30, 2015 - 12:34 PM

18napoles
File Photo from CIW

Kinumpirma ng Officer-in-charge ng Correctional Institution for Women (CIW) na nakipag-away ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles sa “mayores” ng selda kung saan siya unang ikinulong.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay CIW-OIC Dr. Edelinda Patac, pinaalis si Napoles sa dormitory ward dahil sa reklamo ng mga kapwa nito preso at hindi umano pagsunod sa mga rules.

Pero nang kausapin aniya ng Chief custodial staff ng Correctional si Napoles sinabi nitong dismayado siya sa pamunuan ng dormitory ward dahil mismong ang mga ito ang lumalabag sa pinaiiral nilang rules.

Isa lamang aniya sa mga inireklamo ni Napoles ay ang paninigarilyo ng mga kapwa niya preso sa ward.

“May nakikita siyang mali sa dorm, may do’s and don’ts doon at nakita niya unfair ang pagpapairal ng mga rules, nakalagay kasi no smoking pero may mga preso na naninigarilyo,”ayon kay Patac.

Nilinaw naman ni Patac na hindi nauwi sa sakitan ang pakikipag-away ni Napoles at agad ding naawat ng mga bantay sa bilangguan.

Sinabi ni Patac na nung araw na natanggap nila ang rekomendasyon, agad hinanapan ng lilipatan na selda si Napoles at dahil sa mother’s ward may bakante ay doon muna pansamantalang inilagay si Napoles.

Sa mother’s ward ikinukulong ang mga presong buntis at may sanggol. Pero ayon kay Patac, dalawang araw lang namalagi si Napoles sa mother’s ward at agad ding inilipat sa high-risk dormitory.

Isinailalim pa aniya si Napoles sa psychiatric test bago dalhin sa high-risk dormitory para matiyak na kakayanin nitong manatili sa nasabing selda.

Sa resulta ng psychiatric evaluation kay Napoles, mayroon umano itong anxiety disorder at ang kaniyang claustrophobia ay manageable naman.

Sa high-risk dormitory na pinaglipatan kay Napoles ay iisa lamang ang higaan at palikuran ng selda na gamit niya kasama ang isa pang preso.

Sinabi ni Patac na walang special treatment na ibinibigay kay Napoles at hindi totoo ang mga balitang siya ay nakakapag-request ng air conditioner at may kasambahay na kasama sa kulungan./Dona Dominguez-Cargullo / Alvin Barcelona

TAGS: correctional institution for women, Edelinda Patac, janet lim-napoles, Radyo Inquirer, correctional institution for women, Edelinda Patac, janet lim-napoles, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.