Music icon David Bowie, pumanaw na

By Kathleen Betina Aenlle January 11, 2016 - 10:59 PM

 

Pumanaw na sa sa edad na 69 ang British music legend at icon na si David Robert Jones o mas kilala bilang David Bowie.

Kinumpirma ng kaniyang anak na isang film director na si Duncan Jones ang balita, na ipinost sa mga social media accounts ni Bowie.

Nakasaad sa post na mapayapang pumanaw si Bowie ngayong araw, January 10 sa Britain, sa piling ng kaniyang mga kapamilya matapos makipaglaban sa sakit na cancer sa loob ng isa’t kalahating taon.

Namayapa si Bowie dalawang araw makalipas ng kaniyang kaarawan, kung kailan rin inilabas ang kaniyang pinakabago at pinakahuling album na “Blackstar”.

Ayon sa kaniyang kaibigan at producer na si Tony Visconti, alay ni Bowie ang nasabing album sa kaniyang mga fans bilang kaniyang ‘parting gift’.

Tila planado umano ni Bowie ang paglalabas ng kaniyang album sa kaniyang kaarawan at ilang araw bago siya pumanaw.

Maraming bantog na singers ang nagpahatid ng kalungkutan at pakikiramay sa pagpanaw ni Bowie sa pamamagitan ng Twitter, tulad na lamang nina Madonna at Kanye West na tinitingala si Bowie bilang malaking inspirasyon sa kanilang karera.

Maging si British Prime Minister David Cameron ay nagpahayag ng kaniyang kalungkutan at sinabing lumaki siya sa mga tugtugin ng ‘pop genius’ at master of re-invention.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.