MMDA traffic constable, binaril sa Commonwealth

By Kathleen Betina Aenlle January 05, 2016 - 02:00 AM

crime-scene-e1400865926320May kinalaman sa trabaho ang itinuturong dahilan ng pagpatay sa isang Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic constable sa Quezon City, Lunes ng madaling araw.

Binaril sa ulo si Sidney Role, 38 anyos dakong alas dos ng madaling araw, Lunes sa kaniyang nakatalagang poste sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Tandang Sora Ave. sa Brgy. Old Balara, Quezon City.

Nabuo ang hinala ng mga imbestigador na maaring may kinalaman ito sa trabaho ng biktima dahil sadyang inabangan siya ng mga suspek sa mismong pwesto kung saan siya nakatalaga.

Batay sa report ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), isang di pa nakikilalang lalaki ang lumakad papalapit kay Role at binaril siy a habang kausap ang kaniyang kapatid na si Riche na isa ring traffic constable.

Pinuntahan ni Riche ang kaniyang kapatid para ihatid sa kaniya ang cell phone niyang naiwan sa bahay.

Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni QCPD-CIDU homicide section chief Insp. Elmer Monsalve na pagkatapos barilin ang biktima, tumakas agad ang suspek sakay ng isang motorsiklong minamaneho ng kasabwat nito.

Paniwala pa ng mga imbestigador, higit pa sa dalawang suspek ang sangkot sa pagpatay dahil nakita sa CCTV footage mula sa lugar na pinangyarihan, na mayroon ding tricycle driver na pawang nagsilbing lookout.

Ilang minuto pa bago mangyari ang insidente, namataan din ang isang mas bata pang lalaki na palakad lakad sa lugar na tila hinihintay ang biktima habang may hawak na baril.

TAGS: mmda constable shot in the head, mmda constable shot in the head

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.