Miss Bulgaria at Miss USA, nagtrending sa twitter matapos papurihan ng mga Pinoy Netizens

By Dona Dominguez-Cargullo December 23, 2015 - 07:22 AM

From Twitter
From Twitter

Dahil sa suportang ipinakita nina Miss Bulgaria at Miss USA kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, nag-trending ang dalawang kandidata sa twitter.

Simula pa kahapon, patuloy ang pasasalamat at papuri ng mga Filipino Netizens kina Radost Todorova ng Bulgaria at Olivia Jordan ng USA.

Si Miss Bulgaria ay tinaguriang Best Supporter ng mga netizens dahil nakita ito sa camera habang todo ang palakpak nang ianunsyong si Wurtzbach ang nanalong Miss Universe at hindi si Miss Colombia.

Nakita din si Miss Bulgaria habang itinuturo kay Wurtzbach ang bungad ng entablado na para bang hinikayat nito ang Pinay na rumampa na sa harapan dahil siya ang nanalo.

Binansagan namang ‘Bestie of the Year’ si Miss USA dahil kitang-kita ang kaligayahan nito nang inanunsyong si Wurtzbach ang nanalo. May pagkakataon pang tila napaluha si Miss USA nang banggitin ng host na si Steve Harvey na ang nagwaging Miss Universe 2015 ay si Miss Philippines.

Si Jordan ay nakalaban din noon ni Miss World 2013 Maegan Young.

Hanggang ngayong umaga, nasa top 7 sa Philippine trend sa twitter ang hashtag na ‘Miss Bulgaria and Miss USA’.

Maliban kina Miss Bulgaria at Miss USA, pinasalamatan din ng netizens sina Miss Malaysia, Miss Mauritius, Miss British Virgin Island, Miss Myanmar, Miss Austria, Miss Albania, Miss Norway, Miss Cayman Islands, Miss Lebanon at Miss Israel na lumapit at bumati kay Wurtzbach nang siya ay makoronahan.

TAGS: Miss Bulgaria, Miss Universe2015, Miss USA, Miss Bulgaria, Miss Universe2015, Miss USA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.