‘Tanim-bala’ group sa NAIA , kumpirmado-NBI report

By Kathleen Betina Aenlle December 11, 2015 - 03:08 AM

 

Inquirer file photo

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang isinumiteng report na mayroon talagang nagaganap na tanim o laglag bala scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ngunit, taliwas sa hinihinala ng karamihan, hindi naman napatunayan na mayroon talagang sindikatong kinabibilangan ang mga nasangkot dito.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary at spokesman Emmanuel Caparas, base sa imbestigasyon ng NBI task force TALABA o Tanim-Laglag-Bala, totoong nagkaroon ng pagkakataong may mga tiwaling tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) na gumawa nito upang makapangikil sa mga pasahero.

Gayunman, hindi naman aniya napatunayan na mayroon talagang sindikato sa likod nito dahil hindi ganoong kalaki ang grupo ng mga ito para tawaging sindikato.

Paliwanag ni Caparas, para maituring na sindikato, kailangang mapatunayang mayroong maraming taong sangkot dito na nagkakaisa sa kanilang pagkilos alinsunod sa isang plano.

Dahil dito hindi nila pwedeng sabihin na isang sindikato ang namamayagpag sa NAIA dahil iilang tao lamang ang nasasangkot.

Bagaman may naisumite nang report ang NBI sa DOJ, hindi pa rin dito aniya natatapos ang imbestigasyon dahil patuloy nilang pag-aaralang kung paano ito nangyayari at kung bakit hanggang ngayon ay mayroon pa ring ganito.

Samantala, tinanggap naman ng Avsegroup ang naging resulta ng nasabing imbestigasyon kung saan lumalabas na apat sa kanilang mga miyembro ay nasangkot sa scam.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.