Poe, nakahanap ng posibleng kamag-anak sa Guimaras

By Kathleen Betina Aenlle December 11, 2015 - 02:47 AM SHARE(S):

 

inquirer.net/contributed photo

May isang pamilya sa Guimaras Island na posibleng malapit na kaanak ni Senador Grace Poe.

Sa pagpapatuloy ng paghahanap ni Poe sa kaniyang mga tunay na kadugo upang mapatunayang siya ay natural-born Filipino citizen na babaligtad sa mga ibinabatong akusasyon sa kaniya, nalaman niyang baka may tiyahin siya sa doon.

Dahil dito, balak niyang tumungo doon at personal na tanungin ang pamilya kung maari ba silang sumailalim sa DNA testing para malaman kung totoo ngang sila ay magkadugo.

Aniya, hindi pa niya nakakausap ang posibleng tiyahin niya na si Lorena Rodrigues-De Chavez at ang dalawa pang maaaring kaniyang dalawang kapatid na babae.

Matatandaang inabandona at natagpuan si Poe sa harap ng Jaro Catherdral sa Iloilo City noong 1968.

Nang makapanayam ng Philippine Daily Inquirer si De Chavez, sinabi nito na handa silang magpa-DNA test anumang oras.

Ani De Chavez, matagal na nilang alam na si Poe ay anak ng kanilang kapatid na si Victoria na yumao noon pang 1996 dahil sa atake sa puso.

Dinala umano si Poe sa Jaro sa Iloilo mula sa kanilang tahanan sa bayan ng Buenavista sa Guimaras para ipaampon.

Aniya, nanatili na lamang silang tahimik dahil nakita naman nilang nasa mabuting kalagayan si Poe, ngunit nang dumating ang mga pambabatikos sa senadora, naramdaman nilang kailangan na nilang lumabas para dumepensa sa kaniya.

Para kay Poe, bagaman napakatagal na niyang naghahanap sa mga tunay na kamag-anak, magiging malaking tulong kung mapatunayang magkadugo nga sila ni De Chavez.

Nabatid naman ni Poe na may pagkakahawig umano sila ng noo ng sinasabing tiyahin niya, pero medyo karaniwan rin naman ito sa mga Ilonggo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.