Anim na tauhan ng PNP-Avsegroup at OTS, kinasuhan dahil sa ‘tanim-bala’

By Jay Dones, Ricky Brozas December 11, 2015 - 03:07 AM

 

 

File photo

Sinampahan na ng reklamo ng National Bureau of Investigation ang anim na personnel ng Office for Transportation Security (OTS) at PNP Aviation Security Group (Avsegroup) dahil sa pambibiktima sa Amerikanong misyonaryo sa insidnete ng ‘tanim-bala’ sa paliparan.

Kabilang sa mga nakasuhan ng NBI sa Departmenf of Justice sina Maria Elena Cena at Marvin Garcia ng OTS.

Samantala, dawit naman sa kaso sina Police Chief Inspector Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo,  SPO2 Rolando A. Clarin at SPO2 Romy Navarro ng PNP-Avsegroup.

Ang anim  ay kinasuhan batay sa reklamo ng US Missionary na si Lane Michael White at stepmother nito na si Eloisa Zoleta na diumano’y biniktima ng grupo noong September 17.

Matatandaang hinarang si White ng mga nabanggit na personnel makaraang matagpuan diumano ang isang bala sa kanyang bagahe.

Tinangka pa umanong kikilan ng P30,000 ng mga ito si White upang hindi na ituloy ang kasong posibleng kaharapin nito dahil sa pagtatangkang maipasok ang isang bala sa loob ng eroplano.

Giit ni White, wala siyang dalang bala at biktima lamang siya ng ‘tanim-bala’ scheme ng mga naturang tauhan ng Avsegroup at OTS.

Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article V, Section 38 o Liability for Planting Evidence sa ilalim ng Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, robbery-extortion at paglabag sa RA No. 7438 and RA No. 3019.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.