Draft agreement ng COP21, minamadali nang tapusin

By Kathleen Betina Aenlle December 04, 2015 - 06:44 AM

COP 21Hindi na magkanda-ugaga ang mga negotiators sa Paris na tapusin na ang kanilang ginagawang draft ng kasunduang resulta ng 21st Conference of Parties (COP21).

Pakiwari ni Dean Antonio La Viña, tagapagsalita ng Philippine delegation sa COP21, mukhang maiipit sila lalo pa’t nasa komplikadong bahagi na sila ng mga negosasyon.

Dahil dito, minamadali na ng iba’t ibang mga technical groups ang paggawa sa kanilang mga bahagi ng draft agreement na nakatakdang isumite bago matapos ang araw ng Huwebes sa Paris para maisumite na sa host ng COP21, ang pamahalaan ng France.

Pagkatapos nito, ipo-proseso ng French presidency ang kanilang gawa sa loob ng dalawang araw, mula Biyernes hanggang Sabado, para i-handa ito sa susunod na bahagi at nang mai-akyat na sa ministerial level.

Dumaan at sumailalim na sa napakaraming yugto ang draft na ito na nagsimula sa 86 na pahina noong Pebrero sa Geneva, naging 20 pahina nitong Oktubre lamang at naging 51 pahina bago matapos ang Oktubre na nabuo sa Bonn.

Ani La Viña, mabagal ang progreso sa pagbuo ng kasunduan, at mula nang umalis ang mga lider ng mga bansa sa Le Bourget noong Lunes, ang 50 pahinang draft ay nadagdagan lamang ng isang pahina.

Samantala, kabilin-bilinan naman ani La Viña ng kanilang pinuno sa Philippine delegation na si Sec. Emmanuel de Guzman na gawan ng paraan na mapagdugtong-dugtong na parang isa ang mga panukala.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.