14 patay sa pamamaril sa Social Services Center sa California

By Dona Dominguez-Cargullo December 03, 2015 - 09:10 AM

San BernardinoNasawi ang 14 na katao at 17 pa ang nasugatan matapos mamaril ang tatlong lalaki sa loob ng gusali ng isang social service center sa San Bernardino, California.

Ayon sa mga otoridad, mabilis na tumakas ang tatlong suspek na armado ng mahahabang baril.

Dumating sa gusali ang mga lalaki sakay ng isang kulay itim na SUV at saka namaril.

Hindi pa matukoy ng mga pulis kung maituturing na terrorist attack ang insidente, pero nagpatupad na ng lockdown sa San Bernardino City Hall at sa mga korte sa nasabing lugar.

Ayon kay San Bernardino Police Chief Jarrod Burguan, nasa lugar na ang mga miyembro ng SWAT team at bomb squad para tiyaking ligtas na ang gusali.

Ang nasabing centre ang nangangalaga para sa mga taong mayroong developmental disabilities.

Samantala, matapos maganap ang pamamaril, binulabog naman ng bomb threat ang Loma Linda University Medical Center. Sa nasabing ospital isinugod ang anim na biktima sa San Bernardino shooting.

Matapos matanggap ang bomb threat agad isinailalim sa code yellow ang pagamutan at pinayuhan ang mga empleyado na sundin ang bomb threat protocols.

TAGS: Mass shooting in San Bernardino California, Mass shooting in San Bernardino California

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.