Hugis-granadang ‘party popper’ nagdulot ng kaguluhan sa huling araw ng bar exams

By Jay Dones November 29, 2015 - 08:57 PM

 

Inquirer file photo

Bahagyang nagkagulo sa harapan ng University of Santo Tomas sa España, Maynila kung saan ginanap ang huling araw ng bar exams Linggo ng hapon, makaraang mapagkamalan ng mga naroon ang basyo o ‘cartridge’ ng isang lumang ‘party popper’ na isang granda.

Nagkatakbuhan at nagkalbalyahan ang daan-daang katao palayo sa harapan ng gate ng unibersidad dakong alas 5:40 ng hapon, kung saan nakita ang inakalang granada sa pag-aakalang ito ay sasabog.

Gayunman, nang inspeksyunin ng mga tauhan ng Manila Police District- Explosive and Ordnance Division, nadiskubre na isang lumang ‘party popper’ ang bagay na inakalang fragmentation grenade.

Ayon kay Supt. Lannan Muarip ng MPD-Sampaloc station, ilang mga nakakita sa lumang ‘party popper’ ang nataranta nang makita ito na nagdulot ng panic sa mga kaanak at taga-suporta ng mga bar examinees na nag-hihintay na matapos ang pagsusulit.

Dahil sa insidente, isang matandang lalake ang isinugod sa ospital makaraang makaranas ng hypertension at asthma.

Gayunman, matapos maberipika na hindi granada ang naturang bagay, mabilis namang nanumbalik sa normal ang sitwasyon sa harapan ng unibersibad.

Matatandaang noong 2010, nasa 50 katao ang nasugatan makaraang sumabog ang isang MK2 fragmentation grenade sa harapan ng De la Salle University sa Taft Avenue kung saan ginaganap noon ang bar exams.

Sa imbestigasyon,isang Anthony Nepomuceno ng Alpha Phi Omega fraternity ang itinurong naghagis ng naturang granada.

Simula noon, hinigpitan na ng Manila Police ang seguridad taun-taon sa tuwing ginaganap ang bar exams.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.