11 anyos ginamit na suicide bomber sa Nigeria, 17 ang patay

By Kathleen Betina Aenlle November 19, 2015 - 04:07 AM

 

Mula sa Google Maps

17 ang patay kabilang ang dalawang dalagitang nagsilbing suicide bombers, at ang isang hinihinalang 11 anyos na nagpasabog sa isang palengke sa Kano, Northeast Nigeria.

Ayon sa tagapagsalita ng Kano police na si Musa Magaji Majia, isang minibus na may sakay na mga babae ang dumating sa Farm Center GSM market na nagbaba ng isang babaeng tinatayang nasa 11 taong gulang, at isa pang 18 anyos na parehong nakasuot ng hijab.

Isa sa kanila ay tumungo sa loob ng palengke habang nanatili naman ang isa sa labas, pagkatapos ay sumabog na sila na ikinadamay ng iba pang taong nasa paligid nila.

Bukod sa dalawang bumabang babae, may sakay pa umano ang minibus na apat na iba pa.

Dinala ang mga biktima sa ospital kung saan nakumpirmang 15 sa kanila ang nasawi, bukod pa sa dalawang suicide bombers.

53 na iba pa ang ginamot at nakalabas na ng ospital.

Isinara na ng mga pulis sa Kano ang mga pasukan at labasan sa siyudad bilang bahagi ng paghahanap sa Volkswagen Sharan minibus na siyang nagbaba sa dalawang suicide bombers.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.