Ika-4 na araw ng COC filing dinagsa, mga kilalang pulitiko muling kakandidato

By Ricky Brozas October 17, 2018 - 12:00 AM

Mala-piyesta pa rin ang senaryo sa ika-apat na araw ng paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa pagka-senador sa halalan 2019.

Unang dumating sa Palacio del Gobernador kung saan naroon ang tanggapan ng COMELEC si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na tatakbo sa ilalim ng Liberal Party.

Si Pia Cayetano naman na muling sasabak sa pagka-senador ay nagbisikleta pa mula Luneta patungong COMELEC.

Simbolo aniya ng kanyang pagbibisikleta mula sa Luneta na tinaguriang Kilometer Zero ang ipaabot ang serbisyo sa mga Pilipino saan mang panig ng bansa.

Pawang mga nakatoga naman ang supporters ng reeleksiyunistang si Bam Aquino na siyang may akda ng free college education law.

Naging mainit naman ang pagsalubong ng kanyang mga tagasuporta kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos. Karamihan sa mga ito ay Marcos loyalists.

Pawang mga nakapula ang mga ito habang isinisigaw ang “Marcos pa rin!”

Sinamahan si Marcos ng kanyang kapatid na si dating Senador Bongbong Marcos.

Isa rin sa mga dinumog ang si dating Senador Jinggoy Estrada na sinamahan pa ng kanyang amang si Manila Mayor Joseph Estrada sa paghahain ng kandidatura.

Kahit nilimitahan ang mga aktibidad sa labas ng Palacio del Gobernador ay hindi naman mapigil ang pagdagsa ng mga supporters ng mga kumakandidato sa labas ng COMELEC.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.