Lalaking nagpanggap bilang pulis arestado sa entrapment operation sa Marikina City

By Justinne Punsalang October 15, 2018 - 03:54 AM

EPD

Nasakote ng mga otoridad sa Barangay Jesus Dela Peña sa Marikina City ang isang tricycle driver na nagpanggap bilang pulis at nanghingi ng suhol kapalit ng pagpapababa ng kaso ng isang drug suspek.

Nakilala ang suspek na si Art Cris Viloria, 23 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, Setyembre nang maaresto ang pamangkin ng complainant na si Eduardo Ordoñez dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Nilapitan umano ni Viloria si Ordoñez upang suhulan kapalit ng pagpapababa sa kasong kinakaharap nito. Ayon umano sa suspek, kung magbibigay ng P30,000 si Ordoñez ay matatanggal ang isasampang paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa kanyang pamangkin na si Francis Ian.

Pumayag si Ordoñez at nagbayad ng P25,000.

Ngunit tinuloy pa rin ang kasong paglabag sa Section 5 bukod pa sa Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa kanyang pamangkin.

October 13 nang muling kinausap ng nagpanggap na pulis si Ordoñez para manghingi ng P3,000 upang gawing negatibo ang resulta ng isasagawa umanong drug test kay Francis Ian.

Dito na nagduda si Ordoñez at dumulog sa mga pulis na nagkasa ng entrapment operation laban kay Viloria.

Hapon ng Linggo, October 14 nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Viloria.

Mahaharap ang nagpanggap na pulis sa kasong robbery extortion.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.