5 napatay sa shootout sa Cebu City nailibing na

By Justinne Punsalang October 15, 2018 - 01:37 AM

Hinatid na sa huling hantungan ang limang mga nasawi sa shooting incident na naganap sa Barangay Malubog, Cebu City.

Naunang inilibing sa Carreta Cemetery si Karl Cabahug noong Sabado, habang kahapon, araw ng Linggo nang ilibing ang apat na iba na kinilalang sina Christopher Tangag, Lester Abella, Orlando Tayor, at Diover Van Sanjorjo.

Suot ng mga kaanak at kaibigan ni Tangag ang itim na tshirt kung saan nakasulat ang “Justice for Boyet.”

Sa misa bago ito ilibing ay binigyang diin ni Reverend Father Gino Godinez na isang kasalanan ang pumatay. At dalangin nito sa mga naiwan ng limang biktima na manatiling matatag sa lahat ng panahon.

Ayon naman sa ina ni Cabahug, matapos mailibing ang mga labi ng limang mga biktima ay ihahanda na nilang mga pamilya ang kasong isasampa laban sa mga nasa likod ng pamamaslang.

Maswerte namang nakatakas at nakaligtas sa insidente sina Charmayne Porral at Antonio Belande.

Hapon ng October 3 nang habang hinintay nina Belande at Tangag mga pasahero sa minamanehong habal-habal ay dumating ang anim na kalalakihan na nagpakilalang mga pulis. Piniringan umano sila bago isinakay sa isang van.

Ibinaba sila sa TransCentral Highway at doon pinagbabaril.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) Region 7 tungkol sa insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.