2 patay matapos manlaban sa buy bust operation sa Bulacan

By Rhommel Balasbas October 11, 2018 - 05:30 AM SHARE(S):

Patay ang dalawang hinihinalang drug suspek sa ikinasang buy bust operation ng Baliwag Police kaninang ala-1:50 ng madaling araw.

Nakilala ang mga suspek na nasawi na sina Nestor Santos at Melvin Coriilan na sinasabing parehong drug pushers at sangkot sa pagnanakaaw ng motorsiklo sa Pandi at Bustos, Bulacan.

Ayon sa pulisya, supplier ng iligal na droga ang mga suspek sa Barangay Bagong Nayon at katabing mga barangay.

Isang operatiba ng Baliwag Police ang nagpanggap na poseur buyer kung saan positibong nag-abot ang mga suspek ng isang heat sealed na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng P500.

Nang makahalatang may papalapit na mga pulis ay agad na nagpaputok ng baril ang mga suspek.

Gumanti ng putok ang pulisya na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga ito.

Nakuha sa crime scene ang isang revolver, improvised handgun, isang sling bag na naglalaman ng walong sachet ng hinihinalang shabu kabilang na ang ibinenta sa poseur buyer at isang unit ng motorsiklo na walang plaka na gamit ng mga suspek. (END/RVB)

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.