Pulis sugatan matapos barilin ng drug suspek sa Laguna

By Justinne Punsalang October 11, 2018 - 03:51 AM SHARE(S):

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang isang pulis matapos itong barilin ng isang tulak ng droga sa coastal area ng Barangay Maytalang 1, Lumban, Laguna.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkasa ng drug buy bust operation ang mga elemento ng Laguna Provincial Police Drug Enforcement Unit (DEU) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) CALABARZON laban kay Jeremy Villegas alyas Jing Jing.

Nabatid na si Villegas ay itinuturing na ika-5 sa Provincial High-value Target ng Laguna dahil sa kanyang pagtutulak ng 150 gramo ng shabu na mayroong street value na aabot sa P900,000 kada linggo.

Sa kalagitnaan ng operasyon ay nakatunog si Villegas na pulis pala ang kanyang katransaksyon. Agad nitong binaril sa mukha si SPO1 Jerome Garcia na nagpanggap bilang poseur buyer.

Gumanti ng putok ang kasamang pulis ni Garcia, ngunit sa tulong ng dalawang hindi nakilalang kasabwat ni Villegas ay nakatakas ito sakay ng isang motorized banca.

Agad na isinugod sa Laguna Hospital sa bayan ng Santa Cruz si Garcia kung saan ito nilapatan ng lunas.

Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga otoridad para sa ikadarakip ng mga drug suspek.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.