SALAMAT NDRMMC, PAGASA, LGUs, AFP, PNP, DSWD, RESCUERS ATBP! sa “Wag Kang Pikon!” with Jake Maderazo

By Jake Maderazo September 16, 2018 - 01:54 PM SHARE(S):
Kuha ni Erwin Aguilon

Ang pananalasa ng Typhoon Ompong (Supertyphoon Mangkhut) sa Northern Luzon at Central Luzon kung saan 25 ang iniulat na nasawi ay “wake-up call” sa ating lahat. Ayon sa World Meteorological Organization (WMO), si “Ompong” ang pinakamalakas na bagyo ng mundo sa taong ito.

Kapansin-pansin na maganda ang kinilos ng NDRMMC ngayon sa “national level” mula  pag-responde, rescue at relief sa mga nasalanta. Maging mga LGUs ay naging aktibo sa pagsasagawa ng “forced evacuations” patungong evacuation centers, maliban sa ilang residenteng matitigas ang mga ulo.  Kaya naman, kahit sa mismong sentro ng landfall na Baggao, Cagayan ay “zero casualty.”

Dapat bigyang parangal ang dalawang “rescuers” na namatay habang nagliligtas buhay sa mga landslide incidents sa Cordillera. Pasalamatan natin sila, kasama ng mga first, second at third responders, nasa panganib at nagpuyat para maihatid ang mga kailangang “rescue equipment” pati mga “relief goods.”

Salamat din sa mga weather forecasters ng PAG-ASA na walang tigil ang serbisyong maihatid ang bagong balita sa bagyo, gayundin ang DSWD, RED CROSS, LGUs at mga volunteers na nagbantay, tumulong para sa mga nasalanta.

Sana po’y ma-perfect na ang hinahanap nating iisang direksyon ng “national government”, at “local government” hanggang “baranggay level” kapag ganitong may kalamidad. Sa ngayon kasi, isang adhoc at “coordinating agency” lamang ang NDRMMC sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) kasama ng 40 sektor sa gobyerno, NGOs, Civic organizations at private groups.  Bukod dito, taun-taon ay paiba-iba ang inilalaang DRRM calamity funds sa kanila , P38.9-B noong 2016, naging P15.7B noong 2017 at P25.5-B sa kasalukuyang taon.

Merong panukala si Pres. Duterte sa kanyang 2018 SONA na magbuo ng Department of Disaster Management na “cabinet level” para sa tinawag niyang “enhanced disaster resiliency at quick disaster response.”. Kaya lang, masyadong masalimuot at nagtatagal ang diskusyon sa Kongreso kung isasama dito ang PAG-ASA, PHIVOLCS, DSWD bukod pa sa isyu ng pondo. Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, “defensive” ang panukalang DDM dahil ang kailangan daw ay “overall disaster risk reduction”, hindi lamang “management.”

Sa ganang akin, napapanahon talaga ang mas epektibong NDRRMC tulad ng sa Amerika na Federal Emergency Management Authority (FEMA), na ngayo’y nasa ilalim ng Dept. of Homeland Security. Ang ahensyang ito ay may simpleng “mission statement”, tulungan ang tao bago maganap, habang nagaganap, at matapos ang “disaster”.  Sila ang may sakop ng lahat ng “disasters”, bagyo, lindol, gawa ng tao, at maging “acts of terror.”

Hindi ko sinasabing kumopya tayo pero kahit mga Amerikano ay nagdaan din sa napakaraming “trial and error“ at inabot sila ng  halos 173 taon mula noong 1803 hanggang 1979 nang isabatas ni US president Jimmy Carter ang FEMA.

Sa akin lamang, itigil na ang mga “adhoc” o “tuwing may bagyo lang nagtatrabaho” na siyang kalakaran sa NDRMMC, at solusyunan ang taun-taong problema.

Dalawampung bagyo lagi ang dumarating sa atin, bukod pa sa lindol, baha at maging acts of terror tulad sa Marawi, kailan natin seseryosohin ang pagharap sa mga disasters? Dumaan na tayo sa Yolanda, Mt. Pinatubo, ano ba ang prayoridad? Bayan o pulitika?

TAGS: AFP, Bagyong Ompong, dswd, NDRMMC, pagasa, PNP, rescuers, AFP, Bagyong Ompong, dswd, NDRMMC, pagasa, PNP, rescuers

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.