Catanduanes at Cam Sur, isinailalim na sa Signal No. 1 dahil sa Bagyong Ompong

By Rhommel Balasbas September 13, 2018 - 12:01 AM SHARE(S):

Nagtaas na ng tropical cyclone warning signal ang PAGASA sa ilang lugar.

Isinailalim sa signal number 1 ang Catanduanes at Camarines Sur.

Sa 11pm press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,005 kilometro Silangan ng Virac, Catanduanes.

Kumikilos ito pa-Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Sa ngayon ay taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 255 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, dadaan ang bagyo sa Batanes at Cagayan Areas sa Sabado, September 15 at inaasahang sa Linggo, September 16 ay nasa labas na ng bansa.

Tatama ito sa kalupaan ng Northern tip ng Cagayan umaga rin ng Sabado.

Nagbabala ang PAGASA sa panganib ng lakas na ulan at hanging dala ng bagyo maging sa posibilidad ng storm surge sa mga baybaying dagat.

Samantala, bukas, araw ng Huwebes, posibleng isama na sa Signal no. 1 ang Cagayan, Isabela, Aurora, Quirino, Polilio Islands, Camarines provinces at Albay.

Dahil naman sa Habagat ay inaasahan ang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan sa Palawan, Bicol Region at Visayas simula bukas.

Inaasahan ding lalakas pa ang Bagyong Ompong at magtataglay ng hanging aabot sa 220 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 270 kilometro kada oras o nasa Super Typhoon Category na.

Simula sa Biyernes, mararanasan na ang mahina hanggang sa paminsan-minsan ay may kalakasang pag-uulan sa Metro Manila.

Sa ngayon ay nakataas ang gale warning sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1 at sa eastern seaboards ng Visayas at Mindanao.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.