Drug suspek patay matapos iwanan ng kasama sa operasyon sa Quezon City

By Justinne Punsalang September 09, 2018 - 04:01 PM SHARE(S):

Napatay ng mga pulis ang isang drug suspek matapos itong manlaban sa mga otoridad sa Barangay UP Village sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang nasawing suspek.

Aniya, madaling araw ng Linggo, nang magkasa ang mga operatiba ng QCPD Station 9 at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon City Field Office ng buy bust operation laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas na Barok at kanyang hindi nakilalang kasabwat.

Sa gitna ng transaksyon ay natunugan ni alyas Barok na pulis pala ang kanilang kausap. Dahilan ito upang tumakas ang nasabing suspek sakay ng motorsiklo at iniwan ang kanyang kasama.

Agad namang bumunot ng baril ang lalaki at pinaputukan ang mga pulis na silang gumanti ng putok na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Narekober mula sa suspek ang isang hindi lisensyadong kalibre 38 revolver, isang kalibre 22 na revolver, at isang sachet ng shabu.

Patuloy namang tinutugis ng mga pulis si alyas Barok.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.