Biktima ng “laglag-bala”, humiling ng reinvestigation

By Kathleen Betina Aenlle October 29, 2015 - 04:35 AM

 

Inquirer file photo

Humiling ng reinvestigation ang kampo ng Amerikanong misyonaryong nabiktima umano ng “laglag bala” modus sa Ninoy Aquino International Airport sa kaso nito.

Sa 15-pahinang mosyon na inihain sa Pasay Regional Trial Court Branch 119 ng mga abogadong sina Attys. Ernersto Arellano at Jasper Balboa, hiniling nito na muling isailalim sa imbestigasyon ang kaso ng kanilang kliyente na si Lane Michael White dahil tila minadali ito.

Hindi naman tinukoy sa kanilang mosyon kung sino ang dapat magsagawa ng panibagong imbestigasyon pero ayon sa isang source sa Branch 119, katulad ng laging ginagawa, ibabalik ito sa Prosecutor’s Office kung ito ay sasang-ayunan ng korte.

Aniya, anumang impormasyon sa kaso ay mananatiling “pending” hangga’t wala pang inilalabas na bagong resolusyon ang Prosecutor’s Office.

Ikinagulat umano nina Arellano at Balboa ang agad na paglalabas ng impormasyon ng Assistant City Prosecutor laban kay White kinabukasan matapos ang insidente sa airport kung saan nakitaan ng .22 cal na bala nina baggage inspectors Maria Elma Cena at Marvin Garcia ang bagahe ng kanilang kliyente.

Sa prosesong naganap, hindi man lamang daw natanong ang kanilang kliyente kung payag ba itong sumailalim sa preliminary investigation nang papirmahin ito ng waiver ng probisyon ng Article 125 ng Revised Penal Code.

Sa bahaging iyon sana makakapagpresenta ng ebidensya ang inaakusahan na makakapagabswelto sa kaniya sa kasong isinasampa sa kaniya.

Para sa kanila ay napagkaitan ng tamang proseso si White ng Senior Assistant City Prosecutor na sinabi nilang hindi naging patas sa pagiimbestiga.

Iginiit pa nila na dahil American citizen ang kanilang kliyente na si White, at unang beses lang nitong pumunta sa Pilipinas, hindi ito pamilyar sa mga patakaran at proseso ng imbestigasyon sa bansa.

Isang patunay umano dito ay ang kusang pagpunta ni White sa Bational Bureau of Investigation pagkatapos nitong mag-piyansa at ma-ditine ng anim na araw, para maghain ng coutner-complaint laban kina Cena at Garcia.

Itinakda na ang kaniyang arraignment sa November 25.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.