Ilang beses na pagtakas ng Korean National mula sa BI, iimbestigahan ng NBI

By Kathleen Betina Aenlle October 29, 2015 - 04:18 AM

 

Inquirer/Jodee Agoncillo

Iniutos ni acting Justice Sec. Benjamin Caguioa sa National Bureau of Investigation ang pag-iimbestiga sa pagtakas ng isang South Korean mula sa Bureau of Immigration (BI) at kamakailan lamang, mula sa isang detention facility ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Pinayagan na rin ni Caguioa ang NBI na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang sinumang mapapatunayang responsable sa pagpapatakas kay Cho Seongdae mula sa pasilidad ng BI noong September 29, at mula naman sa detention cell sa Camp Aguinaldo noong October 20.

Tumangging magbigay ng komento ang tagapagsalita ng AFP na si Col. Restituto Padilla dahil ang Bureau of Immigration daw ang dapat sumagot sa isyu.

Ayon sa isang source mula sa militar, bagaman ikinulong ang Koreano sa loob ng AFP, mga tauhan pa rin ng BI ang itinalagang magbantay sa kaniya.

Mismong ang BI umano ang humiling na gamitin ang detention facility sa ISAFP, kasabay ng paghiling na kanilang mga guwardya ang italaga sa pagbabantay.

Unang inaresto ang nasabing dayuhan noong 2012 dahil sa human trafficking at robbery-extortion ngunit nakatakas habang pinagagamot sa isang ospital.

Lumalabas na pinoproseso na ang deportation sa kaniya nang makatakas ito sa ilalim ng pagbabantay ng tauhan ng Immigration.

Muling nahuli si Cho matapos ang dalawang linggo at kinulong sa pasilidad ng immigration sa Bicutan, Taguig City, ngunit muling nakatakas September 29 ng taong ito.

Nang muling mahuli si Cho noong October 10 sa Parañaque City, inamin ng hepe ni BI chief Siegfred Mison na sa nakasabwat nito ang ilang tauhan ng Immigration sa pangalawang pagtakas nito sa pamamagitan ng panunuhol ng P1 milyon upang palayain siya.

Nitong linggo lamang ay napaulat na nakatakas na naman si Cho mula sa kulungan ng ISAFP habang ginuguwardyahan ng mga taga immigration.

Isang NBI Special Task Force ang binuo sa pangunguna ni head agent Peter Chan Lugay, kasama sina special agents Cesar Reyes, Arnold Diaz, Catherine Camposano, Eugenne Javier, Jimebe M. Babor at special investigator Edsel C. Pelete.

Inatasan ang grupo na suriin ang lahat ng mga dokumento, video o audio na may kaugnayan sa pagtakas, kabilang na ang mga galing sa ISAFP.

Mayroon lamang silang 30 araw para isumite ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Una nang kinansela ng Korean embassy ang passport ni Cho, na napagalamang nahaharap rin sa kasong may kinalaman sa extortion sa kanilang bansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.