‘Hindi na masaya magnegosyo sa Pilipinas’-foreign investors

By Jay Dones October 29, 2015 - 04:12 AM

 

Mula sa Inquirer.net

Muling iginiit ng foreign business community na hindi na gaanong ‘masaya’ ang maglagak ng negosyo sa Pilipinas sa mga panahong ito.

Ito’y dahil sa mga nakalilitong mga lokal na polisiyang isinusulong ng gobyerno na nagreresulta sa ‘unpredictability’ sa sektor ng negosyo.

Ayon kay Henry Schumacher, presidente ng European Chamber of Commerce and Industry, ang naturang uri ng unstable environment ay posibleng magresulta upang mabigo ang mga foreign chambers na itulak ang PIlipinas bilang investment hub sa Asya.

Inihalimbawa ng grupo bilang isang uri ng nakalilitong implementasyon ng mga lokal na polisiya ang nangyari sa JKG-Power Plates, na nanalong bidder ng Motor Vehicle License Plate Standardization Program ng Land Transportation Office.

Nang manalo sa bidding ng DOTC noong 2014, ini-award ang limang taong kontrata na nagkakahalaga ng P3.18 bilyon, para magsuplay ng plaka ng mga sasakyan, biglang nagdesisyon ang Commission on Audit na ihinto ang pagbabayad sa kumpanya dahil mali umano ang naganap na proseso ng bidding.

P620 milyong pisong halaga ng mga plaka ang JKG-Power Plates at nabayaran pa lamang ng P477.9 milyon.

Paliwanag ni Schumacher, mahirap para sa isang bansa na makaengganyo ng mga foreign investors kung patuloy na mangangamba ang mga ito na mababalewala ang kanilang mga pinapasok na kasunduan.

Sakaling magpatuloy aniya ang ganitong uri ng sistema, malaki ang posibilidad na maghanap na lamang ng ibang lugar na may paborableng investment climate ang mga dayuhang mamumuhunan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.