Kontrobersiyang nililikha ni Uson, Olivar, hindi nakakatulong kay Pang. Duterte – VP Robredo

By Rhommel Balasbas August 10, 2018 - 02:12 AM SHARE(S):

Dumagdag na si Vice President Leni Robredo sa listahan ng mga personalidad na may maasim na tugon sa ‘ipederalismo video’ ni Communications Assistant Sec. Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Naga City, sinabi ng bise presidente na ang video ni Uson at mga kahalintulad na gawain ay lalong hindi nakakatulong sa presidente kahit pa ang intensyon naman ay makatulong.

“Pero ako kasi, ‘yung mga taong ganito ano eh, hindi sila nakakatulong kay Pangulong Duterte. Kung yung sadya nila makatulong, lalong di sila nakakatulong,” ani Robredo.

Ayon kay Robredo, binibigyan lamang nila Uson ng masamang impresyon ang pangulo dahil sila ang mga taga-suporta nito at nakababastos lamang ito kay Duterte at sa mga Filipino.

Iginiit ni Robredo na dapat ang mga taga-suporta ng pangulo ang nangunguna sa pagpapakita ng kagandahang loob.

“Binibigyan nila ng masamang impression ‘yung Pangulo, kasi sila ‘yung mga supporters. Dapat sana sila yung nagdadala ng kagandahang loob. Pag ganito yung ginagamit na paraan, hindi lang si Pangulo yung nababastos pero lahat na ng Pilipino,” dagdag ng bise presidente.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang opisyal dahil ang ‘ipederalismo video’ ay kinuha sa loob ng isang opisina ng gobyerno at ang pasimuno pa ay opisyal din ng gobyerno.

Giit ng bise presidente, ang sweldo ng mga opisyal ay galing sa taong-bayan kaya’t kung kailangan na anyang manghimasok para pahintuin ang tinawag niyang ‘kabastusan’ ay kanyang gagawin.

Samantala, pinag-aaralan pa rin anya ng mga abogado ni Robredo kung sasampahan ng kaso si Olivar matapos itong mura-murahin at sabihan ng malalaswang salita.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.