Mga pulis itinangging may kinalaman sa pagkasawi ng isang dating OFW na nakakulong sa Maynila

By Justinne Punsalang August 10, 2018 - 03:56 AM SHARE(S):
Aarun Rafael Facebook

Itinanggi ng Manila Police District (MPD) ang akusasyong may kinalaman sila sa pagkamatay ng isang overseas Filipino worker (OFW) habang nakakulong sa Barbosa Police Community Precinct.

Sa Facebook post ng kapatid ni Allan Rafael na si Aarun, sinabi nito na noong August 2 ay pinara ng mga pulis si Allan sa Recto Avenue.

Kwento umano ni Allan nang bisitahin nila ito ay hulidap ang naganap dahil kinuha ng mga pulis ang relo na suot niya at pinwersa pa itong mag-wthidraw ng pera. Matapos ang naturang insidente ay dinala si Allan sa himpilan ng mga otoridad at doon pinilit paaminin na gumagamit ito ng droga.

Kwento pa umano ng kanyang kapatid, binubugbog at sinasampal siya ng mga otoridad. Mayroon pa umano itong nabanggit tungkol sa palit-ulo.

Ani Aarun, August 6 nang matanggap nila ang balita na namatay sa loob ng kulungan ang kanyang kapatid.

Bagaman dinala pa sa Jose Reyes Hospital si Allan ay hindi na ito umabot ng buhay.

Ayon umano sa mga pulis, komplikasyon sa sakit na cancer ni Allan ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Ngunit dahil na-embalsamo na ang kanyang kapatid kahit walang pahintulot ng pamilya ay hindi na ito maaari pang i-autopsy.

Sa isang pahayag mula kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, itinanggi ng MPD na binugbog si Allan sa loob ng kulungan.

Dagdag pa ng MPD, hindi rin pinatay si Allan katulad ng hinala ng nakararami.

Batay umano sa resulta ng pagsusuri ng medical legal officer, namatay si Allan dahil sa cardiorespiratory arrest.

Iginiit ng MPD na nahulihan nila ng dalawang sachet ng shabu si Allan at kanyang kasama na si Sherwin Angeles na nagresulta sa kanilang pagkakakulong.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.