Dating ministro ng INC, tinangka din umanong ipapatay ng Sanggunian ng INC

By Chona Yu, Jay Dones October 25, 2015 - 07:50 PM

 

Kuha ni Chona Yu

Tinangka umano ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo na ipapatay ang napatalsik na ministro na si Lowell Menorca.

Sa pagharap ni Menorca sa mga miyembro ng media, kinumpirma nito na noong July 17, dinukot siya sa kanyang tahanan at isinakay sa isang kotse.

Habang nasa biyahe aniya, hinagisan siya ng granada. Gayunman hindi ito sumabog.

Dagdag ni Menorca, nang hindi sumabog ang granada, isang pulis naman aniya ang ipinadala ng INC para siya ay patayin.

Nagmaakawa si Menorca sa pulis na huwag siyang patayin dahil sa maliit pa ang kanyang anak na babae.

Nakinig naman aniya ang pulis at hindi na itinuloy ang plano.

Ayon kay Menorca, nakiusap siya noon sa pamunuan ng INC na handa siyang iurong ang anumang kaso, mananahimik at magpapakalayo basta’t lulubayan lamang ang kanyang pamilya.

Gayunman, hindi aniya ito ginawa ng INC, sa halip nilabag pa ang kanyang mga karapatang pantao.

Bunsod nito, tiniyak ni Menorca na hindi niya iuurong ang anumang asunto at haharapin ang mga matatataas na lider ng INC.

Una rito, naghain ng habeas corpus ang kapatid ni Menorca laban kay INC Executive Minister Eduardo Manalo at sa Sanggunian ng INC.

Ilang beses na tinangka ng Radyo Inquirer na kunin ang panig ng INC sa pamamagitan ng tagapagsalita nito at ministrong si Edwil Zabala ngunit out of coverage area ang cellular phone nito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.