Dating ministro nakiusap sa SC at CA na huwag matakot sa INC

By Chona Yu October 25, 2015 - 06:31 PM

 

Kuha ni Chona Yu

Nakiusap ang dating ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca sa Supreme Court at Court of Appeals na huwag matakot sa Iglesia ni Cristo o INC.

Humarap sa media kanina si Menorca para sabihing totoong siya ay dinukot at pinaghirapan ng mga kapwa ministro sa utos anya ng Sanggunian ng INC.

Ang una anya niyang media interview sa NET-25 ay scripted at dala ng takot ay sumunod siya upang huwag nang napahirapan ang kanyang pamilya.

Sinabi din ni Menorca na nalaman niyang muling magsasagawa ng malawakang kilos protesta ang INC dahil sa isinampang writ of habeas corpus laban kay Executive Minister Eduardo V. Manalo ng kanyang nakababatang kapatid na si Anthony.

Ayon kay Lowell, isa aniya itong desperate move ng INC kung kaya ginagamit ang pangalan ni Manalo para muling hikayatin ang mga miyembro na mag-rally sa kalsada.

Apela pa ni Menorca sa pamunuan ng INC, itigil na ang kutsabahan sa loob ng kanilang relihiyon.

Kasabay nito, umaapela si Lowell sa pamunuan ng INC na ibalik sa kanya ang mga personal na gamit na kinuha sa kanyang tahanan sa Sorsogon kabilang na aniya ang kanyang kotse, ilang gadget, maging ang kanilang wedding ring na mag asawa.

Naiiyak din na binalikan ni Lowell ang mga nangyari nang dukutin siya sa Sorsogon kung saan pinosasan siya ng labingpitong oras at dumugo na ang kanyang mga kamay.

Tiniyak ni Lowell na sasampahan niya ng kaukulang kaso ang lahat ng miyembro ng INC na responsable sa pagdukot at pananakot sa kanyang pamilya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.