Batas upang mapalakas ang People’s Initiative at referendum isinusulong ni Deputy Speaker Abu

By Erwin Aguilon July 20, 2018 - 12:01 AM

Isinusulong ni House Deputy Speaker at Batangas Representative Raneo Abu ang pagkakaroon ng batas upang palakasin ang sistema ng People’s Initiative (PI) at referendum.

Sinabi ni Abu, dapat bigyang halaga ang karapatan ng mga mamamayan na direktang magpanukala upang palitan o amyendahan Saligang Batas.

Dahil dito, dapat aniyang gumawa ng batas ang Kongreso upang masiguro ang Republic Act 6735 o mas kilala sa “Initiative and Referendum Act.”

Base sa House Bill 5724 na inihain ni Abu, nakasaad na ang Commission on Elections (COMELEC) ang dapat tumawag at mangasiwa sa PI o referendum.

Sa ilalim ng panukala, kapag natanggap ng COMELEC ang petisyon para sa amyenda sa Saligang Batas, kailangang alamim ng poll body ang sufficiency ng petisyon sa loob ng 30 araw at ilathala ito sa mga pahayagan sa wikang Filipino at English ng dalawang beses.

Ang COMELEC din ang dapat magtakda kung kailangan isasagawa ang PI o referendum pero hindi ito dapat mas maaga sa 60 araw o mas matagal ng 90 araw matapos mabatid ng komisyon ang sufficiency ng petisyon.

Binibigyan din ng panukala ang COMELEC ng kapangyarihan upang bumalangkas ng mga kailangang rules and regulations para sa pagpapatupad nito.

Nakasaad din dito na ang panukalang amyenda sa Saligang Batas upang maging matagumpay ay kailangang aprubado ng mayorya ng mga bumoto sa plebesito.

Kapag naging ganap na batas, aamyendahan nito ang RA 6735 o ang
“Initiative and Referendum Act” na naging batas noon pang Agosto 1989.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.