DOST hinimok ang publiko na sumakay sa hybrid train na gawang Pinas

By Rhommel Balasbas July 20, 2018 - 03:00 AM

DOST

Inaanyayahan ng Department of Science and Technology ang publiko na sumakay sa hybrid electric train (HET) na gawang pinoy at bumabyahe ngayon sa Philippine National Railways (PNR).

Ito ay bilang pagdiriwang sa National Science and Technology Week (NSTW) mula July 17 hanggang 21.

Pinangunahan nina DOST Sec. Fortunato Dela Peña at iba pang opisyal ang demo run kahapon ng tren mula PNR Dela Rosa station hanggang PNR Edsa station pabalik.

Libre ang sakay ng mga commuter sa tren at maaari pa ring maranasan hanggang bukas, July 21, araw ng Sabado.

Narito ang schedule ng tren na libre pa ring masasakyan ng publiko

Mula PNR Dela Rosa hanggang PNR EDSA: 9:25 a.m. hanggang 9:31 a.m.; 10:40 a.m. hanggang 10:46 a.m.
Mula PNR EDSA hanggang PNR Dela Rosa: 9:32 a.m. hanggang 9:38 a.m.; 10:47 a.m. hanggang 10:53 a.m.

Binuo ang naturang hybrid electric train ng Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) isang attached agency ng DOST at unang pinasinayaan noong 2016.

Kaya nitong magsakay ng 220 pasahero ay tumakbo ng 50 kilometro kada oras.

Sasailalim pa sa maraming pagsusuri ang tren na inaasahang makatutulong sa gobyerno na masolusyonan ang problema sa trapiko.

May tema ang National Science and Technology Week (NSTW) ngayong taon na “Science for the People: Innovation for Collective Prosperity”.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.