Malacañan ikinatuwa ang pagsasampa ng DOJ ng kaso laban kay Kerwin Espinosa

By Len Montaño July 20, 2018 - 02:56 AM

Masaya ang Malacañan sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan na ang self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa at iba pa.

Ito ay matapos makitaan ng DOJ ng probable cause para sampahan ng kaso si Espinosa, ang convicted drug lord na si Peter Co, at tatlong iba pa dahil sa sabwatan sa kalakaran ng droga.

Una nang nabasura ang kaso laban kay Espinosa na ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagresulta naman sa pagbibitiw sa pwesto ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y illegal drug trade operations ni Espinosa sa Central at Eastern Visayas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, masaya ang Palasyo na may hustisya at mapapanagot si Espinosa at Co.

Hindi naman kasama sa asunto ang negosyanteng si Peter Lim dahil may nakabinbin pa itong mosyon para sa hiwalay na preliminary investigation na pinabigyan ng DOJ.

Ibinasura rin ng prosekusyon ang mga kaso laban sa 3 respondents na sina Max Miro, Nestor “Jun” Pepito at Rowen Reyes Secretaria dahil sa kanilang pagpanaw.

Inilabas ang bagong DOJ resolution ilang buwan matapos ibasura ng panel of prosecutors ang parehong reklamo dahil sa kawalan umano ng ebidensya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.