Sr. Fox, ikinalungkot ang ‘deportation order’ ng BI

By Rhommel Balasbas July 20, 2018 - 03:02 AM

Dismayado ang Australian missionary na si Sr. Patricia Fox sa utos ng Bureau of Immigration (BI) na siya ay paalisin na ng bansa.

Sa isang panayam, sinabi ng madre na bagaman dismayado ay tatanggapin niya ang desisyon at titingnan ang mga posibleng remedyo para rito.

Hindi pa anya niya personal na nababasa ang deportation order at nalaman niya lamang ito sa isang text mula sa kanyang abogado.

Sinabi rin ni Sr. Fox na nakatakda nilang iapela ang immigration order at makikipag-usap siya ngayong araw sa kanyang mga abogado.

Sa pahayag na inilabas ng kampo ng madre, iginiit nito na 27 taon nang isinasagawa ni Sr. Fox ang kanyang missionary works sa Pilipinas ng hindi nahaharang ng kahit anong deportation case.

Hindi rin anila kailaman banta sa interes ng publiko at peace and order ang pagtulong sa mahihirap.

Dapat pa nga umanong kilalanin ng gobyerno ang walang pag-iimbot na serbisyo ng madre sa mga mamayang napagkaitan sa lipunan.

Giit pa nila, walang basehan ang pangulo at ang BI na sabihing ‘undesirable alien’ si Fox maliban na lamang kung ang kahulugan ng mga ito sa undesirability ay ang pag-ayaw sa pagtulong sa mahihirap.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.