Kaso ng rape bumaba ayon sa PNP

By Rhommel Balasbas July 20, 2018 - 03:51 AM

Ipinagmalaki ng Philippine National Police ang pagbaba sa kaso ng rape.

Ito ay sa kabila ng galit ng netizens sa social media dahil sa anti-rape tips na inilabas ng Angono Police Station.

Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Benigno Durana, mula sa 9,204 na kaso ng rape noong July 2016 hanggang June 2017, bumaba ito ng 24 percent sa 6,999 na kasong naitala mula July 2017 hanggang sa Hunyo ng taong kasalukuyan.

Bukas naman anya ang liderato ng PNP sa suhestyon ni Sen. Risa Hontiveros at ng mga women’s groups na irebisa ang anti-rape tips ng pulisya.

Sinopla ng senador ang anti-rape tips na inireklamo dahil sa tila pagsasabing may kinalaman ang mga kababaihan kung bakit sila nagagahasa.

Ayon kay Durana, irerebisa ang guidelines kung saan ikokonsidera ang gender sensitivity, pagsama sa early education ng mga kabataan na isang krimen ang rape at pagtaguyod sa kaalaman tungkol sa mga date-rape drugs.

Samantala, ipinagtanggol ni Durana ang Angono Police at sinabing ‘concerned’ sa kaligtasan ng kababaihan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.