P2.4M halaga ng shabu narekober sa buy bust operation sa Caloocan City

By Justinne Punsalang July 20, 2018 - 04:51 AM

NCRPO RDEU

Timbog ang dalawa katao, kabilang ang isang high-value target sa ikinasang drug buy bust operation ng pulisya sa Barangay Sta. Quiteria, Caloocan City.

Nakilala ang mga suspek na sina Rolando Arnaiz alyas Lang-Lang at David Montalbo.

Naganap ang naturang operasyon matapos magsanib-pwersa ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – NCR, Quezon City Police District (QCPD) Station 4, at Caloocan City Police.

Ayon kay NCRPO director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, narekober mula kina Arnaiz at Montalbo ang 100 gramo ng shabu matapos ang transaksyon.

Ngunit nang kapkapan at siyasatin ang dala ng mga suspek ay nakakuha pa ng karagdagang 250 gramo ng shabu ang mga otoridad mula sa mga ito.

Tinatayang nagkakahalaga ng kabuuang P2,400,000 hinihinalang shabu ang nasabat mula sa mga suspek.

Nakumiska rin mula sa mga ito ang dalawang kalibre 45 baril na kargado ng mga bala.

Napag-alaman na si Arnaiz ay mayroon pending warrant of arrest para sa kasong murder. Siya ay itinuturing din bilang Number 1 Most Wanted Person ng QCPD Station 4.

Dagdag pa ni Eleazar, si Arnaiz ay ang sinasabing lider ng Valenzuela-Arnaiz criminal gang na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga at isang gun for hire na grupo.

Nag-ooperate ang nasabing gang sa Caloocan City, Quezon City, at lalawigan ng Bulacan.

Dahil dito ay kapwa mahaharap ang sina Arnaiz at Montalbo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.