Drug suspek patay sa engkwentro sa Valenzuela City

By Justinne Punsalang July 12, 2018 - 04:08 AM SHARE(S):

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang drug suspek, habang arestado naman ang dalawang iba pa sa ikinasang buy bust operation ng mga otoridad sa Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Kinilala ang nasawing suspek na si Rommel Olazo, 45 taong gulang at residente sa lugar. Habang ang kanya namang mga kasamahan na naaresto ay sina Jerecho Pelenio, 37 taong gulang mula sa Quezon City at Rouel Olazo, 43 taong gulang at residente naman ng Caloocan.

Ayon sa mga operatiba ng Valenzuela City Police, sa kalagitnaan ng kanilang operasyon ay nakatunog si Olazo na pulis pala ang kanyang katransaksyon. Dahilan ito upang bumunot ng baril ang suspek at agad na paputukan ang mga pulis.

Kaya naman walang nagawa ang mga otoridad kundi gumanti ng putok na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng suspek.

Dinala pa si Olazo sa Valenzuela Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival ng naka-duty na doktor.

Samantala, naaresto naman sina Pelenio at Rouel sa loob ng bahay ni Olazo sa kalagitnaan ng shabu session.

Narekober mula kay Olazo ang isang kalibre 38 baril na kargado ng tatlong bala, 17 piraso ng sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang digital weighing scale.

Narekober naman mula kina Pelenio at Rouel ang 3 sachet ng shabu, mga drug paraphernalia, at isang digital weighing scale.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.