2 patay, 6 sugatan sa aksidente sa Agusan Del Norte

By Donabelle Dominguez-Cargullo July 06, 2018 - 07:48 PM

Patay ang dalawang katao habang anim naman ang nasugatan sa aksidenteng naganap sa national highway sa Purok 4, Barangay Sta. Ana, sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte.

Agad isinugod sa Cabadbaran District Hospital sa Cabadbaran City at sa Butuan City Hospital ang mga nasugatang indibidwal.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tubay Municipal Police Station (MPS), sangkot sa aksidente ang isang kulay puti na Toyota Hi-ace Grandia Van na may plate number VK6 319, at may walong sakay.

Galing ng Surigao City at patungo ng Butuan City ang van nang maaksidente alas 6:15 ng umaga.

Nawalan umano ng kontrol ang van dahil pumutok ang isang gulong sa likuran nito kaya bumangga sa gilid ng kalsada.

Dalawa sa pasahero ang tumilapon dahilan ng kanilang pagkasawi.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

 

TAGS: accident, agusan del norte, Radyo Inquirer, Tubay, accident, agusan del norte, Radyo Inquirer, Tubay

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.