Pag-ayaw ni Sison sa peace talks binalewala ng Malacañang

By Den Macaranas June 30, 2018 - 08:49 AM

Inquirer file photo

Minaliit ni Labor Sec. Sylvestre Bello II ang naging pagbabanta ni Communist Party of the Philippines – New People’s Army Founding Chairman Jose Maria Sison na aatras na sila sa peace talks.

Sinabi ni Bello na siya ring chief negotiator ng government peace panel na wala kay Sison ang baraha para sabihin kung tuloy ba o hindi ang usapang pangkapayapaan.

Reaksyon ito ni Bello sa sinabi ni Sison na lalahok na lamang sila sa pagpapabagsak sa pamahalaan imbes na ituloy ang peace talks sa ilalim ng Duterte administration.

Ipinaliwanag ni Bello na ang National Democratic Front na isang lupon ng samahan ng mga komunista ang kausap ng gobyerno at hindi si Sison lamang.

Binanggit rin ng opisyal na gusto lamang komunsulta ng pangulo sa maraming sektor ng lipunan kaya nagkaroon ng deadlock sa peace talks bagay na hindi naman nagustuhan ni Sison.

Nauna dito ay sinabi ng pangulo na kahit umuusad na ang usapang pangkapayapaan noong nakalipas na mga buwan ay hindi pa rin tumigil ang NPA sa kanilang mga iligal na gawain.

Kabilang na anya dito ang paglusob sa mga vital installations ng gobyerno at ang paghingi ng revolutionary tax kahit na sa mga mahihirap sa mga lalawigan.

TAGS: Bello, CPP, duterte, ndfp, NPA, peace talks, Sison, Bello, CPP, duterte, ndfp, NPA, peace talks, Sison

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.