DOLE nangakong paiigtingin ang kampanya para mabawasan ang child laborers

By Justinne Punsalang June 24, 2018 - 03:42 AM

Nangako ang Department of Labor and Employemt (DOLE) na palalakasin pa ng kagawaran ang kanilang kampanya upang mabawasan ang bilang ng mga child laborer sa bansa.

Sa huling datos, tinatayang nasa 2.1 milyong mga kabataan edad 5 hanggang 17 ang nagtatrabaho na.

Sa paggunita sa World Day Against Child Labor ay sinabi ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod na maglulunsad ang DOLE ng mga programa upang matiyak na mananatiling nag-aaral ang mga kabataan imbes na nagtatrabaho.

Kabilang dito ang “Project Angel Tree” kung saan kukuha sila ng mga sponsor na magbibigay ng donasyon na mga school supplies sa mga kabataan.

Magsasagawa rin aniya ang DOLE ng pambansang profiling ng mga child laborers at kanilang mga pamilya upang magkaroon ng datos ukol sa kanilang mga pangangailangan at malaman kung ano ang mga dapat na gawing interventions.

Aminado naman si Maglunsod na siyang chairman ng National Child Labor Committee na marami pang kailangang gawin ang pamahalaan upang maging isang child-labor free na bansa.

Kailangan pa rin aniyang maintindihan ng mga mahihirap na pamilya ang tungkol sa child labor law sa Pilipinas.

Sa ilalim ng 2017-2022 Philippine Development Plan, layon ng administrasyong Duterte na mabawasan ng 30% o 630,000 ang bilang ng mga kabataang nagtatrabaho.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.