SRP para sa 8 pangunahing bilihin sa Metro Manila, ipatutupad sa Lunes

By Rhommel Balasbas June 23, 2018 - 05:38 AM

Ipatutupad ng Department of Agriculture (DA) sa Lunes ang suggested retail prices (SRP) para sa walong pangunahing bilihin sa Metro Manila.

Ito ay upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga negosyante.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ito ay ipapatupad pa lamang sa Metro Manila at magkakaroon ng hiwalay na standard SRP ang iba pang regional markets.

Ayon sa kalihim ito ay bunsod ng mas mataas na suplay ng ilang commodities sa ibang lugar na magreresulta sa mas murang presyo.

Ang SRP ay napagkasunduan ng stakeholders matapos ang ilang konsultasyon sa iba’t ibang mga sektor.

Para sa regular-millled rice ang SRP ay P39 kada kilo habang walang itinakdang SRP sa well-milled at mas mataas na variety ng bias.

Ang bangus ay P150 kada kilo; tilapia P100 kada kilo at galunggong ay P140 kada kilo.

Ang pulang sibuyas ay P95 kada kilo; putting sibuyas ay P75 kada kilo; imported na bawang ay P70 kada kilo habang ang lokal na bawang ay P120 kada kilo.

Ang SRP para sa iba pang pangunahing bilihin tulad ng karne, poultry products at mga gulay ay kailangan pang isailalim sa mga konsultasyon.

Samantala, ayon kay Piñol ang mga presyong ito ay hindi pangmatagalan dahil kailangan ding ikonsidera ang ilang kondisyon tulad ng panahon at epekto ng presyo sa mga magsasaka at mangingisda.

Makikipagtulungan ang DA sa Department of Trade Industry para sa istriktong pagbabantay sa mga presyo.

TAGS: BUsiness, BUsiness

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.