Mga recruitment agency na maagang kumukuha ng caregivers para sa Japan pinaalalahanan ng POEA

By Justinne Punsalang June 23, 2018 - 05:35 AM

Naglabas ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ng advisory na nagpapaalala sa mga lisensyadong recruitment agency na hindi pa dapat magsimula ang mga ito sa pagkuha ng mga aplikante para sa Technical Intern Training Program ng Japan.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, mayroon silang natatanggap na mga ulat tungkol sa ilang mga lisensyadong agency na nagsisimula nang magsagawa ng recruitment activities katulad ng manpower pooling para sa caregiver at care assistants.

Ani Olalia, wala pang inilalabas na guidelines ang kanyang tanggapan ukol sa naturang programa ng Japan.

Kaya naman hindi pa maaaring magsagawa ng anumang recruitment process ang mga agency.

Dagdag pa ni Olalia, isang paglabag sa 2016 Revised POEA Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Land-based Overseas Filipino Workers sakaling ipagpatuloy pa ng mga recruitment agency ang pagkuha ng mga aplikante.

Kaugnay nito, hinimok ni Olalia ang publiko na agad na ipagbigay-alam sa POEA ang mga gingagawang iligal at hindi otorisadong pagrerecruit ng mga lisensyadong ahensya, lalo na ng mga illegal recruitment agencies.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.