Pangulong Duterte iginiit na galit siya sa sugal

By Justinne Punsalang June 23, 2018 - 05:25 AM

“Forget it.”

Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga negosyanteng nagbabalak na magtayo ng casino o anumang sugalan sa isla ng Boracay.

Sa talumpati ng pangulo sa 2018 National Information and Communications Technology (ICT) summit sa Davao City, binigyang diin nito na hindi papayagan ng pamahalaan ang pagtatayo ng anumang gambling facility sa isla dahil kinasusuklaman niya ang pagsusugal.

Aniya pa, mananatiling pangarap at panaginip para sa mga negosyante ang pagtatayo ng sugalan sa Boracay.

Samantala, sinabi rin ni Pangulong Duterte na plano niyang ibalik sa mga residente ng isla ang Boracay sa ilalim ng land reform program, bagaman pinupukol ito ng mga kritisismo.

Ayon sa punong ehekutibo, walang karapatan ang mga negosyante na kwentyunin ang kanyang plano dahil mismong ang mga ito ang sumira at dumumi sa isla.

Maaari naman aniyang ibenta o paupahan ng mga magiging benepisyaryo ng land reform ang kanilang makukuhang lupa.

Nasa kamay naman na ng Kongreso kung mag-iiwan ng bahagi ng baybayin ng isla para sa commercial purposes.

Inilahad rin ni Duterte ang bahagi ng plano niyang land reform na sirain ang mga private resorts at bahay na itinayo ng mga mayayaman sa Boracay para ibigay ito sa mga mahihirap.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.