Pahayag ni DTI Sec. Lopez tungkol sa kakarampot na umentro sa sahod pinalagan ng isang mambabatas

By Jan Escosio June 23, 2018 - 02:40 AM

Nakatikim ng pagbatikos mula sa mga grupo ng mga manggagawa si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez kaugnay sa sinabi nito na kung bibigyan ng umento ang mga trabahador ay dapat maliit lang ito.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) partylist Representative Raymond Mendoza pinatunayan lang ni Lopez na maliit ang pagtingin nito sa mga ordinaryong manggagawa.

Sinabi pa ni Mendoza na sumasang-ayon si Lopez sa deklarasyon ng isang mataas na opisyal ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang pamilya na may limang miyembro ay mabubuhay na ng maayos sa P10,000 kita kada buwan.

Idinagdag pa ng mambabatas na pinatunayan din ng kalihim ang paninisi nito sa pagtaas ng suweldo ng mga trabahador ang mataas na inflation rate sa bansa.

Giit nito, dapat ang pagtuunan ng pansin ni Lopez ay ang mga negosyante na tumutubo ng malaki sa negosyo dahil sa pagsasamantala sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Aniya, nais ni Lopez na isasaksak sa isip ng mamamayan na kapag tumaas ang suweldo ng mga manggagawa ay tataas pa lalo ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.