Bangkay ng 2 OFW na nagpakamatay umano isasailalim sa autopsy

By Justinne Punsalang June 22, 2018 - 11:37 PM

Isasailalim sa autopsy ang mga labi ng dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nagpakamatay umano sa mismong bahay ng kanilang mga amo sa Lebanon at Saudi Arabia.

Batay sa pahayag na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), gagawin ang naturang procedure upang malaman kung nagkaroon ba ng foul play sa pagkamatay ng dalawang Pinoy domestic workers.

Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga pamahalaan ng Lebanon at Saudi Arabia ukol sa mga insidente.

Sa report ni Philippine Ambassador to Lebanon na si Bernardita Catalla, sinabi nito na magaganap ngayon araw ang autopsy sa mga labi ng Pinay domestic worker na sinasabing tumalon mula sa apartment ng kanyang amo na nasa ika-anim na palapag ng gusali noong June 11.

Napag-alaman na noong Oktubre lamang nagpunta sa Lebanon ang 35 taong gulang na Pinay na may naiwang tatlong mga anak sa Cagayan.

Sa paparating naman na linggo isasailalim sa autopsy ng isa pang Pinay domestic worker na nagbigti umano sa bahay ng kanyang amo sa Al Hasa, Saudi Arabia.

Ayon kay Philippine Ambassador to Riyadh Adnan Alonto, isang electric cord ang ginamit ng Pinay sa pagbibigti noong June 12.

Aniya pa, tatlong taon nang nagtatrabaho sa iisang employer ang 40 taong gulang na Pinay na mayroong naiwang dawalang anak sa Agusan del Sur.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.