Termino ng pangulo at pangalawang pangulo hindi palalawigin sa federal government

By Rohanisa Abbas June 21, 2018 - 11:55 PM

Hindi palalawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte kung matutuloy ang pagpapalit ng sistema ng pamamahala sa bansa, ayon sa Consultative Committee (Con-com).

Ipinahayag ito ni dating Chief Justice at ngayo’y Con-com head Reynato Puno.

Aniya, hindi rin palalawigin pa ang termino ng bise presidente sa ilalim ng panukalang pagbabago ng Saligang Batas.

Dagdag ni Puno, si Duterte pa nga ang ang unang-unang matatamaan ng panukalang pagbabawal sa political dynasty dahil hindi siya maaaring sundan ng kamag-anak hanggang sa second civil degree of affinity and consanguinity.

Samantala, sa ilalim din ng panukala, pangungunahan ni Duterte ang transitory commission na bubuin ng 10 myembro para maging “epektibo” at “efficient” ang pagpapalit tungo sa pederalismo.

Ayon kay Puno, kokonsultahin din ang lahat ng mga naging pangulo ng bansa para sa pagkakaisa ng bansa. Dapat aniyang matapos ng transition commission ang kanilang tungkulin pagsapit ng June 30, 2022.

Ilan sa mga dapat na gawin nito ay bumuo ng mga rules and regulations, orders, decrees, proclamations, at iba pa para maipatupad ang plano sa transition.

Inirekomenda naman ng Con-com na isagawa ang unang national, regional at local elections sa ilalim ng panukalang federal constitution sa ikalawang Lunes ng May 2022 nang walang pagpapaliban.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.