DOJ Sec. Guevarra nilinaw na hindi pa lusot sa asunto si Japanese gaming tycoon Kazuo Okada

By Ricky Brozas June 14, 2018 - 02:16 AM SHARE(S):

Bagaman ibinasura ng piskal sa Parañaque City ang reklamong estafa laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada, hindi pa rin siya ganap na lusot sa asunto.

Ito ang tinukoy ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra dahil maaari pang iapela sa pamamagitan ng motion for reconsideration ang resolusyon ni Parañaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.

Sinabi pa ni Guevarra na maaari ring maging remedyo ng complainant na Tiger Resorts
Leisure and Entertainment Incorporated ang paghahain ng petition for review sa DOJ.

Ang Tiger Resorts ang may-ari ng Okada Manila Hotel Resort sa Parañaque.

Dagdag pa ni Guevarra, kung makikitaan ng merito ang apela, maaari pang baligtarin ng DOJ ang pagbasura sa reklamo.

Matatandaan na umani ng kontrobersiya ang nasabing resolusyon na pirmado ni Paudac dahil bago pa man ito opisyal na lumabas ay nag-leak na ang kopya nito sa indibidwal na hindi naman partido sa kaso.

Iniutos na ni Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat sa nag-leak na resolusyon na naging dahilan para akuin na rin ng DOJ ang imbestigasyon sa reklamong estafa laban kay Okada.

Nag-ugat ang reklamo dahil sa paratang na hindi otorisado umanong paglustay ni Okada sa mahigit $10 milyon na pondong pag-aari ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at June 2017.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.