San Miguel tinalo ang Columbian Dyip sa Commissioner’s Cup

By Justinne Punsalang June 07, 2018 - 12:48 AM

Wagi kontra Columbian Dyip ang San Miguel Beermen sa kanilang naging tapatan kagabi para sa 2018 PBA Commissioner’s Cup na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.

Natapos ang laro sa iskor na 129-117, pabor sa Beermen.

Ayon kay San Miguel head coach Leo Austria, lagi silang kabado sa tuwing makakatapat ang Columbian Dyip na dating Kia.

Ani Austria, noong mga nakaraang tapatan nila ng koponan, mapa-preseason o elimination man, lagi silang nahihirapan na talunin ito.

Kaya naman iba na lamang ang pagpupursigeng ginawa ng Beermen lalo na sa huling quarter ng laban.

Pinangunahan ni June Mar Fajardo ang koponan matapos niyang magbigay ng 37 points at 18 rebounds. Sinundan naman siya ni Renaldo Balkman na may 27 points, 18 rebounds, at 6 assists. Hindi rin nagpahuli si Alex Cabagnot na nakapagbigay ng 20 points, 10 rebounds, at 10 assists.

Samantala, para sa Columbian Dyip, sina John Fields at Rashawn McCarthy ang nanguna sa pamamagitan ng kanilang tig-19 puntos.

Dahil dito, 3-3 na ang win-loss record ng Beermen, habang 3-5 naman ang sa Dyip.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.